MANILA, Philippines - Nagsampa ng reklamo sa pulisya ang dalawang bata makaraang umano’y bugbugin at tutukan ng baril ng isang pulis-Maynila nang aksidente itong tamaan ng tsinelas ng biktima habang naglalaro sa Quiapo, Maynila.
Kasabay nito, sinampahan ng kasong grave threat at physical injuries si PO3 Froilan Lopez na positibong itinuro ng magkapatid na biktima na itinago sa mga pangalang “Jose”,11 at “Lito”, 10.
Si Lopez ay nakatalaga sa Central Market Police Station 3.
Batay sa salaysay ng mga biktima, dakong alas-12 ng madaling-araw noong Hunyo 10 habang silang magkapatid ay naglalaro ng ‘Five Ten’ ay tinamaan sa leeg si Lopez ng tsinelas ng isa sa mga biktima. Nakasakay noon sa kanyang motorsiklo ang pulis at dumadaan sa R. Hidalgo St. Quiapo, Maynila.
Dito ay bumaba ng kanyang motorsiklo si Lopez at piningot, sinampal, tinuhod at pinalo sa likod si “Jose” kung kaya’t nilapitan ito ni “Lito” na nagmamaka-awa at humingi ng dispensa sa nangyari.
Sa halip na pagbigyan ang pakiusap ni “Lito” ito naman ang pinagbalingan ni Lopez ng suntok at inuntog sa pader hanggang sa tutukan sila ng baril.
Nang malaman ng ina ng mga biktima ang nangyari, pinuntahan nito si Lopez na hawak pa si “Jose”. Ayon sa mga biktima, nakiusap naman ang kanilang ina subalit pinagmumura pa sila ni Lopez.
Dahil dito, nagpasya ang mga biktima na humingi ng tulong sa tanggapan ni Manila Mayor Alfredo Lim kung saan agad na pinaaksiyunan ang reklamo laban kay Lopez.