MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 5 ang isang 43-anyos na lalaki na hinatulan ng korte ng 14 na taong pagkabilanggo sa kaso ng iligal na droga, sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa bisa ng warrant of arrest mula sa sala ni Presiding Judge Caroline Rivera-Colasito ng Manila Regional Trial Court, Branch 23 nadakip ng mga tauhan ng MPD-Arquiza Police Community Precinct si Rudy Akmad ng Barangay 584, Zone 74, Dakota st., Malate, Maynila.
Dakong alas-11:00 ng umaga kahapon nang arestuhin si Akmad sa pangunguna ni C/Insp. Edgardo Cariaso sa P. Gil St., Ermita, Maynila.
Nakatayo si Akmad ng matiyempuhan ng mga awtoridad.
Nabatid sa binasahan ng sentensiya si Akmad kahit hindi ito dumalo sa pagdinig sa korte (in absentia) at pinatawan ng 14 na taong pagkakabilanggo at inatasan din na magbayad ng P300,000 multa kaugnay sa kaso ng pagdadala ng 2.733 gramo ng marijuana noong Agosto 2008.
Sa record ng korte, Agosto 9, 2008 nang maaresto si Akmad ni PO2 Robert dela Rosa na tumatanggap ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isang ‘di nakilalang lalaki na sakay ng motorsiklo.
Ang kanyang kaso ay nai-file sa korte base na rin sa rekomendasyon ni Assitant City Prosecutor Winnie Edad.
Sa kanyang arraignment noong Agosto hanggang Setyembre 10, 2008 ay naghain ng not guilty plea si Akmad at hindi na muli pang sumipot sa mga pagdinig ng kaso.