MANILA, Philippines - Isang negosyante na sinasabing financier ng notoryus na “Alvin Flores gang” at “Kuratong Baleleng gang” ang dinampot ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagiging ‘utak’ sa pagpatay sa isang negosyante noong 2006 sa Sta. Ana, Maynila.
Ayon kay NBI director Magtanggol Gatdula, ang inaresto ay si Anita Chua Buce, 65, residente ng Pandacan, Maynila ay akusado bilang utak sa pagpatay sa isang Gil Manlapaz Sr., grocery store owner noong Hunyo 29, 2006, habang nagbabantay sa kanyang tindahan sa P. Gil St., Sta. Ana, Maynila.
Ikinanta ng isang George Duazo, isa umanong hired killer si Buce na nagpapatay kay Manlapaz.
Natimbog ang suspect noong Hunyo 22, 2011 sa Sucat Road, Parañaque City.
Nabatid na may reward na patong sa ulo na P250,000 para sa ikadarakip ni Buce. Ipaghaharap din umano ng panibagong kasong murder si Buce kaugnay sa pagpatay sa isang Carmen de Guzman, asawa umano ng kanyang nobyo noong 1984.
Nakalap din ng NBI, na si Buce ay tumatayong financier ng nasabing robbery holdup groups.