Obrero itinumba sa harap ng bahay

Manila, Philippines - Nagkabutas-butas ang katawan ng isang lalaki matapos na bistayin ito ng bala ng dalawang armadong suspect sa harapan mismo ng kanyang bahay sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Nakilala ang nasawi na si Genario Alejandro, 45, construction worker ng Sitio 3, Congressional Road, Batasan Hills sa lungsod.

Ayon sa ulat, dalawang armadong lalaki na nakasuot ng bonnet ang bumaril sa biktima na matapos isakatuparan ang krimen ay agad na nagsitakas. Naganap ang insidente dakong alas-6:15 ng gabi sa lugar ng biktima.

Ayon kay Teresita Alejandro, asawa ng biktima, nanonood umano siya ng telebisyon nang makarinig siya ng malalakas na putok ng baril sa labas ng kanilang bahay.

Dahil dito, nagpasya si Teresita na lu­mabas para tingnan kung anong nangyari kung saan bumulaga sa kanyang harapan ang duguang katawan ng asawa habang nakahandusay sa kalsada.

Tinangka pang isugod sa East Avenue Medical Center ng ilang kapitbahay ang biktima pero idineklara din itong patay ganap na alas-6:35 ng gabi. Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa isinagawang pagpaslang.

Show comments