Manila, Philippines - Paghihiganti ang nakikitang motibo sa pamamaril at pagpatay sa isang 29- anyos na umano’y illegal recruiter kahapon ng tanghali sa Tondo, Maynila.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Yonie Atanosa, ng Mayhaligue St., Tondo, sanhi ng tama ng bala sa ulo.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa mga suspect na tumakas matapos ang insidente.
Sa report ni Det. Gerry Rivera ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-12:00 ng tanghali nang maganap ang insidente sa harap ng Eliesol Store sa Masangkay St., Tondo, Manila.
Nauna rito, nakita ang biktima kasama ang misis nito na may kausap sa loob ng isang fastfood chain.
Makalipas nito, lumabas ang mag-asawa at habang papatawid na ang mga ito sa kabilang kalsada nang lapitan ng mga suspect at walang sabi-sabing binaril sa ulo.
Hinala ng pulisya na isa umano ang suspect sa mga na-biktima ng nasawi na nagre-recruit ng mga seaman at pinapangakuan nito na makakasakay.
Inaalam din ng pulisya kung galing ang mga suspect sa probinsiya dahil sa mga dalang bag na naiwan sa likurang bahagi ng fastfood chain kung saan nakuha ang ilang dokumento sa pag-a-apply ng seaman.