MANILA, Philippines - Sa ulo ang tama ng isa sa apat na sugatan sa pamamaril ng isang kagawad ng Pasig City Police, na sinasabing nag-amok sa isang lamayan sa San Andres Bukid, Maynila, kahapon ng umaga.
Kritikal ang biktimang si Apolonio Torres, 28, construction worker, ng Oro-B San Andres Bukid, Maynila sa Sta. Ana Hospital samantalang sugatan din sina Eduardo Vibar, 28, pintor; Rogelio Matias, 29, driver at Fernando Morales, 41, pawang residente din ng Oro-B San Andres Bukid. Ang mga ito ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang isang PO1 Sonny Boy Merino, na residente din ng lugar at nakatalaga sa Eastern Police District (EPD).
Sa ulat ni PO3 Dominic de Jesus, ng Manila Police District-Sta. Ana Police Station 6 at siyang may hawak ng kaso, dakong alas-9:00 ng umaga, nang maganap ang nasabing pamamaril sa harapan ng burol ng patay sa Oro B San Andres Bukid.
Bigla na lamang umanong pinagbabaril ng suspect, ang mga nagsusugal sa burol kabilang na si Torres at tatlong iba pa. Ayon pa sa pulisya, ang suspect umano na si Merino ay may tatlong araw nang hindi natutulog na diumano’y isa ring drug user.