MANILA, Philippines - Isang ginang ang pinagsasaksak at pinagnakawan ng umano’y kanyang nobyo, na nakilala lamang umano nito sa Facebook (Fb), sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.
Umaabot sa 26 na saksak ang tinamo ng biktimang si Maria Luisa Dominguez-Laquindanum, 44, hiwalay sa asawa, human resource personnel ng isang call center at residente ng 22-D. Coronado Heights, Brgy. Barangka Ibaba, Mandaluyong City, habang pinaghahanap naman ang suspect na nakilala lamang sa pangalang ‘Rafi,’ na umano’y taga-AMA, Pasig at nakilala ng biktima sa facebook.
Ayon kay Sr. Supt. Armando Bolalin, hepe ng Mandaluyong City Police Station, dakong alas-11:30 ng gabi ng Sabado nang madiskubre ni Rosalia Panlilio, ka-boardmate ng biktima, ang karumal-dumal na sinapit ng biktima na ang mga kamay at paa ay tinali ng electrical wire habang binalot ng kumot ang mukha at tadtad ng saksak sa katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa nina PO3 Joemer Puzon at PO2 Anthony Guevarra, ng Criminal Investigation Unit (CIU), nabanggit umano ng biktima sa kanyang nakababatang kapatid na si Cristina Dominguez-Cura, na makikipagkita ito sa suspect.
Dakong alas-7:30 ng gabi nang dumating ang suspect sa bahay ng biktima, kasama ang tatlo pang lalaki.
Ayon kay Puzon, halata umanong pinaghandaan ang pagkikita ng dalawa, dahil nagluto pa ng adobo ang biktima. Nag-inuman pa umano ang mga suspect dahil sa nakitang mga basyo ng alak at mga nagkalat na upos ng sigarilyo.
Sinasabing dakong alas-11:00 ng gabi nang makita ng ilang kapitbahay ang mga suspect na palabas ng bahay na may dala-dalang bag, na posibleng pinaglagyan ng mga nawawalang gamit ng biktima, na kinabibilangan ng dalawang laptop at pera na aabot sa P54,000.
Ayon naman kay Cura, bago natagpuang patay ang kapatid ay nagpadala ito ng mensahe sa kanya sa pamamagitan ng Facebook. Excited ito na makipagkita ng personal sa kanyang nobyo.
Gayunman, pinaalalahanan umano ni Cura ang kapatid na huwag nang papuntahin ang lalaki sa kanyang kuwarto dahil ngayon pa lamang niya ito makikita ng personal.
Sinasabing bago tulu yang napatay, ay nakapag-post pa umano ng mensahe ang biktima sa kanyang FB account, kung saan sinabi nitong, “Preparing dinner 7:00 p.m. my BF Rafi will be coming tonight from AMA Pasig to have dinner with Me.”
Kaagad namang ipinag-utos ni Bolalin sa Follow-Up team ng Mandaluyong City Police ang pagtugis sa mga suspect.
Matatandaang una nang pinagsasaksak ng isang lalaking nakilala lamang niya sa FB ang actor director na si Ricky Rivero, ngunit masuwerteng nabuhay ito at nadakip naman ang suspect.