MANILA, Philippines - Isang babae ang pinagbabaril at napatay sa isang insidente na naman ng carjack sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Police Station 10 ng QCPD, nakilala ang biktima na si Maria Teresita Teano, 34, na nagtamo ng tama ng bala sa pisngi at kanang balikat na agad na ikinamatay nito.
Ayon sa ulat, ganap na alas-6 ng umaga nang mangyari ang insidente sa may T. Gener St., cor. Kamuning Rd., Brgy. Kamuning sa lungsod.
Bago ito, nakasakay umano ang biktima sa kanyang Hyundai Accent na kulay maroon na wala pang plaka papunta sa Brahma Krudis Meditation school sa nasabing lugar kung saan ito nag-aaral ng yoga nang harangin ng mga suspect.
Ayon kay PO3 Gregorio Maramag, may-hawak ng kaso, base sa pahayag ng barangay kagawad sa lugar, dalawa ang suspect na umatake sa biktima.
Nabatid pa na nagmamadaling bumaba ng kanyang kotse ang biktima dahil sa mahuhuli na ito sa kanyang klase.
Dito na agad na nilapitan ng mga suspect ang biktima at pilit na inagaw ang susi ng sasakyan. Nang magtagumpay ay agad na tinungo ng mga salarin ang kotse ng biktima saka pinaandar.
Sinasabing humarang umano ang biktima sa dadaanan ng mga suspect kaya ito binaril at saka tuluyan pang sinagasaan.
Ang carjacking incident ay muling umusbong sa lungsod Quezon kung saan kamakailan lang ay magkakasunod na insidente ng pang-aagaw ng mga mamahaling sasakyan ang naganap sa magkakahiwalay na lugar dito.
Samantala, naniniwala naman ang Highway Patrol Group (HPG) na hindi isang simpleng kaso ng carjacking ang nangyaring pagpatay kay Teano.
Ayon kay PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director P/Chief Supt. Leonardo Espina, bumuo na ng Special Intelligence Task Group ang kanilang mga tauhan upang masusing imbestigahan ang kasong ito.
Ayon kay Espina, inalerto na niya ang lahat ng kanilang mga tauhan sa Metro Manila at mga karatig-lugar upang bawiin ang tinangay na behikulo at arestuhin ang mga carjacker.
Sinabi ni Espina na lumutang ang teorya na hindi ito isang simpleng kaso ng carjacking dahil walang ginamit na back-up ang mga suspek na hindi pangkaraniwan sa mga insidente ng carjacking na planado.