MANILA, Philippines - Plantsado na ang security plan na ipatutupad ng Manila Police District (MPD) sa paggunita ng ika-113 taong anibersaryo ng Independence Day sa Luneta Park na pangungunahan sa kauna-unahang pagkakataon ni Pangulong Noynoy Aquino at Manila Mayor Alfredo S. Lim ngayong araw.
Sinabi ng tagapagsalita ng MPD na si C/Insp. Erwin Margarejo, itinatag ni MPD Director C/Supt. Roberto Rongavilla ang Task Group Luneta na ito mismo ang mamumuno.
May 1,000 pulis ang itinalaga sa pagdiriwang, kabilang ang mga miyembro ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) mula sa NCRPO ang ipakakalat sa mga estratehikong lugar na pagdarausan ng pagdiriwang at may itatalaga rin sa vital installations upang makatiyak na hindi ito masasamantala ng nais maghasik ng terorismo habang busy ang karamihan sa selebrasyon. Ganap na alas-6 ng umaga sisimulan ang aktibidad sa Luneta Park kaya hindi muna papayagan ang mga vendor na okupahin ang parke sa bisinidad na apektado o gagamiting daanan ng mga bisita kabilang ang foreign diplomats.
Pansamantalang isasara sa mga motorista ang north-bound at south-bound ng Roxas Blvd., bahagi ng T.M. Kalaw, M. Orosa, Bonifacio/Anda Circle. Bandang alas-3 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi ang pagsasagawa ng military parade.