MANILA, Philippines - Naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang pulis at dalawa pa na sangkot sa pamamaril at pagkasugat sa dalawa nilang kasamahan sa nangyaring drug den raid matapos ang pagsalakay sa kanilang lungga sa Cubao sa lungsod kamakalawa.
Kinilala ang mga nadakip na suspect na sina PO2 Edel Hazel Oracion Gepte, 37, nakatalaga sa Camp Crame; Abdul Rahman Dansal Sarao, alyas Poras, 26; at Nosroden Ungad Calipa, 20.
Ayon sa report, si Gepte ay napag-alamang nasa preventive suspension bunga na rin ng paggamit ng droga.
Ang tatlo ay personal na itinuro ng mga nauna nang nadakip na kasamahan na nakipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) na ikinasugat nina SPO2 Gilbert Forlucas, at PO1 Teodorico Casison,
Ang mga suspect ay natunton sa pinaglulunggaan ng mga ito sa may 14th St. Apartelle sa 14th St., Cubao base sa impormasyon na kanilang natanggap mula sa kanilang asset.
Sinasabing dito nagtago ang mga suspect matapos na makatakas sa isinagawang raid sa Cadena de Amor Napocor, Brgy. Central nitong Martes ng alas-12 ng madaling-araw.
Nabawi sa kanila ang kalibre 45 na umano’y ginamit sa pagpapaputok sa mga operatiba; at ilang piraso ng plastic sachet ng droga at mga drug paraphernalia.