Magnanakaw ng kable, nakuryente na, arestado pa

MANILA, Philippines - Arestado ang isang magna­nakaw na tinaguriang “Spider­man” makaraang makorner ng isang galit na ginang matapos na makuryente nang baklasin ng suspek ang kable ng kur­yente, kahapon ng umaga sa Pasay City.

Hinang-hina pa dahil sa bahagyang pagkakakuryente nang dakpin ng 50-anyos na ginang na si Angelica Names ang suspek na nakilalang si Danilo Maninang, 29, residente.

Sa ulat ng Pasay City Police, dakong alas-7:30 ng uma­ga nang biglang mawalan ng kuryente ang mga residente ng Park Avenue ngunit nagtaka sila dahil sa meron namang kuryente ang kabilang kalsada.

 Nang inspeksyunin ni Names ang bubungan ng kanyang bahay, dito niya nakita ang gumagapang na si Maninang na nagawa pang bitbitin ang binaklas na mga kawad ng kuryente. Nang makababa ng bubong, dito sinalubong ng ginang na armado ng pamalo ang salarin na hindi na nagawa pang makapanlaban dahil sa panghihina at saka tinawag ang mga kapitbahay.

Dito dinala ng mga residente ang suspek na si Maninang sa istasyon ng pulisya kung saan inamin nito ang krimen dahil sa gagamitin umano niya ang pagbibilhan ng kawad na pambili ng gamot sa kanyang karamdaman. Nadoble pa umano ang nararamdaman niya dahil sa nakuryente siya ng “live” na kawad na kanyang basta na lamang pinutol ngunit masuwerte umano na hindi siya napuruhan.   

Show comments