2 kelot utas sa pananaksak

MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang nasawi makaraang pagsasaksakin ng isang grupo ng kalalakihan na humarang sa kanila sa isang kalsada sa Pasay City, kahapon ng madaling-araw.

Isa sa mga biktima ang nakilala na si Gilbert Tomas, 33, ng Brgy. Sacred Heart, Quezon City habang inaalam naman ang pagkakakilanlan ng ikalawang biktima na inilarawan na nasa pagitan ng edad na 28-33 anyos, nasa 5’2” ang taas, maputi, mahaba ang buhok, payat at nakasuot ng puting t-shirt, checkered na short pants at tsinelas. Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng limang salarin na nagsitakas matapos ang krimen.

Dakong alas-2:30 ng madaling-araw ng maganap ang insidente sa may BAC 1-11, Brgy. 190 Zone 20 Don Carlos Village, ng naturang lungsod. Naglalakad sa naturang lugar ang mga biktima nang makasalubong ang mga salarin at agad na sinalakay ang dalawa hanggang sa duguang magsibagsak.

Nabatid sa ilang saksi na nakikipag-inuman umano sa naturang lugar ang dalawang biktima at posibleng may nakaaway ang mga ito na siyang rumesbak sa kanila.

Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo ng krimen upang makilala ang mga salarin.   

Show comments