MANILA, Philippines - Bunsod ng walang tigil na pag-ulan mula nitong Miyerkules na nagdulot ng mga pagbaha sa ilang lugar, nagpasya ang Department of Education (DepEd) na suspendihin ang klase kahapon mula pre -school hanggang high school level sa National Capital Region (NCR) .
Dakong alas -4:00 ng madaling araw nang ianunsiyo ni DepEd NCR director Elena Ruiz sa mga himpilan ng radyo ang classes suspension matapos ang konsultasyon sa PAGASA, at rekomendasyon na rin ng mga school superintendents sa rehiyon.
Maliban sa NCR, sinuspinde rin ng mga education authorities ang klase sa mga karatig-lugar ng Metro Manila, na dumanas din ng walang tigil na pag-ulan at mga pagbaha.
Kabilang sa mga lugar na suspendido ang klase ay ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) region, gayundin sa Central at Southern Luzon kabilang ang, Region 3, Region 4-A at Region 4-B
Noong Miyerkules pa lamang ay wala ng tigil ang pag-ulan sa Metro Manila at ilang panig ng Luzon na naging dahilan ng pagbaha.
Kahapon ng tanghali ay inianunsiyo naman ng PAGASA na nakapasok na sa bansa ang tropical depression Dodong, at ang Public Storm Warning Signal no. 1 sa Metro Manila at anim pang lalawigan na kinabibilangan ng Cavite, Bataan, Pampanga, Zambales, Tarlac at Pangasinan.