MANILA, Philippines - Patay ang isang taxi driver makaraang pagsasaksakin at iwanan sa loob ng kanyang minamanehong taxi ng mga holdaper matapos pumalag ang una sa mga huli sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon sa pulisya, bukod sa mga saksak sa katawan, may sugat din umano sa gawing braso ang biktimang si Emmanuel Siapno, 49, na indikasyon na lumaban pa ito sa kanyang mga holdaper, bago napatay.
Si Siapno, residente ng Blk 47 Lot 13 12 St. City Homes Subdivision, Langkaan, Dasmariñas, Cavite ay natukoy ng mga operatiba sa pamamagitan ng kanyang driver’s lisence.
Sa pagsisiyasat, ang biktima ay natagpuan ng mga nagpapatrulyang mga barangay kagawad sa Brgy. San Roque sa Cubao habang wala nang buhay na nakalugmok sa driver’s seat ng minamaneho niyang taxi (TYM-341) at nakaparada sa may 16th Avenue Brgy. San Roque dakong alas-1:30 ng madaling-araw.
Ayon kay Henaro Abot, taxi driver, bago ang insidente, pasado alas-10 ng gabi nang mamataan niya na nakaparada ang taxi sa nasabing lugar kung saan inakala niyang natutulog lang ito dahil gumagana pa umano ang mga ilaw ng taxi sa labas.
Pero makalipas ang ilang oras, matapos na dumating ang mga barangay tanod at katukin ang biktima ay saka lamang nalaman ang kondisyon nito.
Narekober din ng mga awtoridad ang duguang patalim sa loob ng taxi na posibleng ginamit ng mga salarin sa insidente.