350 kilos ng nabubulok na isda, nasamsam

Manila, Philippines - Umaabot sa 350 kilos ng frozen tuna at tambakol ang kinumpiska ng mga tauhan ng Manila City Hall-Veterinary Board Inspection, kahapon ng   madaling-araw sa Divisoria market sa Maynila.

Ayon kay Dr. Joselito Diaz ng MCH-VIB, hindi na ligtas kainin ang mga  kinumpiskang isda, dahil may salmonella bacteria na ang mga ito na maaaring magdulot ng sakit sa sinumang makakakain nito.

Nabatid na naunang nagsagawa ng sopresang inspeksiyon ang mga tauhan ng MCH-VIB, para makasiguro na hindi maibebenta sa merkado ang mga botchang bangus, sanhi ng fish kill sa Batangas at Pangasinan, gayunman ang mga frozen tuna at tambakol ang kanilang nadiskubreng ibinebenta.

Nabatid na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Consumer Welfare Act at city ordinance ang mga tinde­rang nakumpiskahan ng mga naturang “frozen fish” na ibinebenta lamang sa halagang P60 kada kilo, gayon ang presyo ng tambakol ay ibebenta ng hanggang P100 kada kilo at ang tuna ay P260 naman kada kilo.

Maaari rin umanong makulong ng hanggang anim na buwan ang sinumang mapatunayan na lumabag sa naturang batas.

Show comments