MANILA, Philippines - Tatlo-katao kabilang ang isang menor-de-edad ang nadakma ng mga tauhan ng Manila Police District Investigation and Operation Unit matapos manghablot ng kwintas ng isang Tsino sa Binondo, Maynila, kahapon ng medaling-araw.
Mismong ang menor de edad na itinago sa pangalang “Totoy”, 15, out-of-school youth ang nagturo sa pinagkukutaan ng dalawang suspek na sina Cathy dela Cruz, 33; at May Bibay, 25, na pawang nakatira sa squatter area sa C.P. Garcia St., Tondo, Manila.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Fernando Opelanio, habang nagsasagawa ng operasyon ang pulisya ay narinig ang sigaw ni Wilson Chua, 29, ng Lavezares St., Binondo dakong ala-una ng madaling-araw na hinablot ang kanyang kwintas.
Nakita nila ang mabilis na pagtakbo ng binatilyong papalayo sa biktima habang ang dalawang babae naman ang nagsilbing look-out. Nang makorner ang binatilyo, ikinanta niya ang dalawang kasabwat kaya agad din silang inaresto.
Narekober ang kwintas ng biktima na nagkakahalaga ng P45,000.