MANILA, Philippines - Natimbog na ng Quezon City Police District ang dalawang taxi driver na sinasabing hinoholdap at pinagnanakawan ang kanilang pasaherong babae, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni P/Supt. Osmundo de Guzman, hepe ng Quezon City PNP District-Station 9, ang mga suspect na sina Almaro Garbo, 37; at Rannie Poe Garbo, 29, kapwa nakatira sa nasabing lungsod.
Ayon kay De Guzman, positibong kinilala ng biktima na isang call center agent ang nangholdap at nangmolestiya sa kanya noong May 26 matapos na sumakay sa taxi na pinapasada ng mga suspek.
Sinabi ni De Guzman, simula nang maaresto ang dalawa ay tatlo pang biktimang babae ang lumutang sa kanilang himpilan para ireklamo ang mga suspect.
Lumilitaw na modus operandi ng dalawa ay mamick-up ng pasahero at magkunwaring tanging ang driver lamang nito ang nasa taxi.
“Ang isa sa suspect ay nagtatago sa legroom ng passenger seat na may upuang nakatikwas sa harap. Kapag ang babaeng pasahero ay nasa loob na ay saka lilitaw ang kasama nito sa likuran at magdedeklara ng holdap,” pahayag ni De Guzman.
Pinakahuling insidente ay naganap noong Huwebes ng gabi sa may Katipunan Avenue, nang biktimahin ang nasabing call center agent na natangayan ng dalawang cell phone, cash at iba pang gamit matapos na sumakay sa taxi ng mga suspect sa K1oth St., Brgy. West Kamias at magpahatid sana sa Eastwood Libis.
Ayon sa biktima, ang mga suspect ay armado ng ice pick na panakot. Matapos makuha ang kanyang gamit ay hindi pa nasiyahan saka pinaghihipuan siya sa maselang parte ng katawan.
Pero dahil madalas na ginagawa ng biktima na kilalanin ang sinasakyang taxi kapag sumasakay ay nagawa nitong ipadala ang plaka na naka-print sa loob ng taxi sa kanyang boyfriend.
Naging matagumpay ito dahil ang nailistang plaka ng biktima ay tunay dahil ang plakang nakalagay sa labas ng taxi na TYN-586 ay dinaya na ng mga suspect.
“Gumagamit ang mga suspect ng masking tape para magmukhang ibang plaka. Minsan papalitan nila ang numerong 8 ng 3 o ang 6 ng 9,” saad pa ni De Guzman.
Bukod dito, nagawa rin ng biktima na matandaan ang marka ng taxi, ibinigay niya ang salitang “Sugonon” sa pulis, na malapit sa markang “Surongon” na nakapinta sa sasakyan.