Manila, Philippines - Hihigpitan ang seguridad sa bisinidad ng Camp Bagong Diwa Bicutan, Taguig City para sa arraignment laban kay dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. sa Miyerkules (Hunyo 1).
Inaasahang dadagsain ang sala ni Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Reyes sa pagdinig sa mga akusado sa Maguindanao Massacre.
Ayon kay P/Chief Supt. Jose Arne delos Santos, SPD director, ikakalat ang 1,000 pulis sa loob at labas ng Camp Bagong Diwa para ipatupad ang mahigpit na seguridad.
Magsasagawa ng inspection sa mga sasakyan na lalabas o papasok sa loob ng kampo upang masigurong walang magaganap na anumang karahasan habang dinidinig ang kontrobersyal na kaso.
Matatandaan na noong Mayo 25 ay naudlot ang arraignment sa matandang Ampatuan matapos magsumite ng motion for reconsideration ang panig ng depensa kung saan maging ang mga abogado ng mga Ampatuan ay naghain na rin ng motion upang i-arraign na ito.
Sa ngayon may 23 ang akusado sa Maguindanao massacre ang hindi pa nabasahan ng sakdal kabilang na sina Andal Sr.; ex-Governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Rizaldy Ampatuan; Anwar at Akmed Ampatuan na pawang nakakulong sa nabanggit na kampo.