MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang tatlong pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na carjacking gang kasunod ng pagkakabawi sa isang kinarnap na luxury vehicle sa entrapment operation sa Baclaran, Parañaque City.
Kinilala ni PNP-HPG Director P/Chief Supt. Leonardo Espina ang mga nasakoteng suspect na sina Elmer Marcelo, Ernesto Reyes at Nolan Nacional.
Nabawi rin ng pulisya ang kinardyak ng mga itong Toyota Fortuner (ZJJ-330).
Nabatid na isang Dr. Elizabeth Miranda ng Soldier Hills, Muntinlupa City ang may-ari ng kinardyak na sasakyan.
Ang nasabing behikulo ay na-carjack ng mga suspect matapos na tutukan ang driver nito sa harapan ng St. Michael Clinic sa Zarate Building, National Highway, Brgy. Nueva, San Pedro, Laguna noong Mayo 10.
Isinagawa ang entrapment operation sa harapan ng Caltex Coastal Branch, Baclaran, Parañaque nitong Lunes pasado alas-4 ng hapon habang ibinebenta ng mga suspect ang sasakyan sa kanilang poseur-buyer.
Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang mga inarestong suspect na humihimas na ng rehas na bakal sa detention cell ng PNP-HPG.