Manila, Philippines - Pinasinayaan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang playground sa Plaza dela Virgen sa Zamora St. Paco kung saan daang mga bata at residente ang makikinabang.
Ayon kay Lim, malaking tulong ang pagtatayo ng naturang playground dahil mas maiiwas ang mga bata sa anumang masamang bisyo.
Sinabi naman ni Deng Manimbo, hepe ng Parks and Recreational Bureau na umaabot na P2 milyon ang nasabing playground na ginawa matapos ang dalawang buwan.
Nabatid kay Manimbo na bukas ang playground mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi. May magbabantay ding tauhan ng City Hall sa lugar upang mapanatiling malinis at maayos ang lugar.
Umaabot na sa 13 playground na ang naipatayo ni Lim simula ng kanyang panunungkulan noong 2007.
Kasama rin sa inagurasyon sina Chief of Staff at Media Information Bureau chief Ric de Guzman, Manila Police District Acting director Chief Supt. Alex Gutierrez, City Engineer Armand Andres at City Building Official chief Melvin Balagot.