Totoy patay sa killer highway

MANILA, Philippines - Muli na namang ipinakita ng Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon ang tanyag na tawag bilang “killer highway”, matapos na isang 11-anyos na batang lalaki na naman ang nagbuwis ng buhay makaraang mabundol ng isang rumaragasang SUV habang tumatawid dito kahapong ng madaling-araw.

Si Edilberto Jacuya Jr., residente ng Payatas A, ay agad na nasawi sa nasabing lugar matapos na mabundol ng isang Mitsubishi Estrada (ZUZ-826) na minamaneho ni Engr. Ricardo Debalocos, 34, ng Caloocan City.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng naturang Avenue ganap na alas-2:30 ng madaling-araw.

Diumano, habang binabaybay ni Debalocos ang lugar patungong Caloocan City ay biglang tumawid ang biktima sanhi upang mahagip niya ito at tumilapon sa kalsada. Sa lakas ng pagkakabundol ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Ayon kay Debalocos, nabigla rin siya nang biglang su­mulpot ang bata na nakikipaghabulan umano sa kalsada sa ilang mga kabataan. Nangako naman ito na sasagutin nito ang lahat ng gastusing gugulin sa bata.

Show comments