MANILA, Philippines - Timbog sa isinagawang entrapment operation ang dalawang miyembro ng “Dugo-dugo gang” nang maaktuhan ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 3, na hawak na ang mga alahas mula sa isang housemaid ng isang doktor, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nai-turn over na sa MPD-General Assignment Section ng mga tauhan ng MPD-Station ang nadakip na mga suspect na kinilalang sina Violeta Mallari, alyas Armida Magdamo, 35, ng Pandacan, Maynila at si Noli Espenida, 37. Bunsod ito ng reklamong inihain ng biktimang si Dr. Jefferson Mendoza, 29, ng Green Land Phase II, Nanca, Marikina City.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:20 ng gabi nang arestuhin ang 2 suspect sa Plaza Lawton, Ermita, Maynila.
Sa imbestigasyon, nakatanggap ng tawag si Marcela Artienda, 59, at sinabing nakaaksidente ang among babae na misis ng among si Dr. Mendoza at kailangan na magpunta siya sa Plaza Miranda, Quiapo at dalhin ang salapi at mga alahas na kakailanganin pambayad sa ospital dahil may babayaran ding gastos sa nasagasaan niyang bata.
Mabilis na sumakay ng FX taxi ang katulong mula sa bahay ng amo hanggang Cubao at mula Cubao ay nag-taxi siya patungo sa Quiapo subalit bago pa man sumapit sa Quiapo ay tinawagan siya ng suspect na magtungo na lamang sa Central Post Office sa Lawton.
Dahil sa haba ng biyahe naikuwento ng katulong sa driver ng taxi ang gagawin niya sa dala-dalang alahas at pera na ibinilin ng mga suspect na ibalot sa isang t-shirt at balutin ng packing tape.
Pamilyar na ang kuwento sa drayber na isa umanong modus-operandi kaya pinayuhan ito na huwag munang makipagkita sa mga suspect at sa halip ay sinamahan siyang magsuplong sa pulisya. Nang kasama na ang mga pulis ay binuntutan ang taxi at doon nagkita ang suspect na si Espenida at kinuha ang dalang alahas at pera. Sa puntong iyon ay inaresto siya ng mga pulis. Ikinanta rin nito ang isa pang suspect na naghihintay umano sa isang restaurant sa Plaza Miranda kung saan ito dinakip.
Ayon pa sa katulong, nakumbinse siya na ang kausap niya ay ang among babae na nagsabing kunin ang lahat ng alahas sa drawer, cabinet at maleta. Sinibak niya ang maleta dahil hindi mabuksan at nagmamadaling iniwan ang inaalagaang bata at nagdahilan sa kasamahang katulong na magpupunta lamang sa kanyang pinsan.