MANILA, Philippines - Kalaboso ang binagsakan ng mag-syota makaraang arestuhin ng pulisya na nagtatalik sa nakaparadang kotse sa madilim na bahagi ng terminal ng pampasaherong jeepney sa Brgy. Calumpang, Marikina City kahapon ng madaling-araw.
Pormal naman kakasuhan ng pulisya ang magkasintahang sina Alexis Linderman, 31, tubong Netherlands, Human Resources Specialist at residente ng Marigold Subd. sa Brgy. Burgos, San Mateo, Rizal, at alyas Catherine, 28, tubong Isabela.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Gabriel Lopez, hepe ng Marikina City PNP, lumilitaw na dakong alas-4 ng madaling-araw nang maaresto ang dalawa matapos maaktuhan ng mga pulis at barangay tanod na nagtatalik sa loob ng kotseng 4-door Sedan Hyundai na walang plaka.
Ayon kina PO3 Roy Quinito, PO1 Al-Nizzar Sappayani at mga tanod na sina Elgelbert Habana at Roderick Javier, sakay sila ng mobile patrol habang nagpapatrulya nang mamataan ang kotse ng dalawa.
Nagduda ang mga awtoridad na may nagaganap na hindi maganda matapos na mapansin na yumuyugyog ang sasakyan.
Kaagad na nilapitan ng mga awtoridad at nang ilawan ay nakita ang dalawa na nagtatalik kaya inaresto at dinala sa presinto.