Motorsiklo salpok sa poste: Rider patay

MANILA, Philippines - Agad na nasawi makaraang mabasag ang bungo­ ng isang 30-anyos na lalaki nang sumalpok sa isang konkretong poste lulan ng kanyang motor­siklo, kama­kalawa ng gabi sa Taguig City.

Nakilala ang biktima na si Arnold Jualo, ng Parañaque City. Nawasak naman ang motorsiklo nitong Yamaha (3817-TT) dahil sa lakas ng pagkakasalpok.

Sa ulat ng Taguig Police-Traffic Management Section, dakong alas-8 kamakalawa ng gabi nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng General Santos Avenue, ng naturang lungsod. Nabatid na tinangka umanong lagpasan nito ang isang kotse sa kanang bahagi nang mawalan ito ng kontrol.

Dito diretsong sumalpok ang motorsiklo sa kon­kretong poste at sinuwag maging ang katabing urinal­ saka tumilapon ng ilang metro. Agad itong nasawi nang mabagok ang ulo matapos na makalas ang suot na helmet.

Show comments