MANILA, Philippines - Umaabot sa 102 video karera machines ang winasak ni Manila Mayor Alfredo Lim sa Bonifacio Shrine kasunod ng patuloy na kampanya sa lungsod laban sa iba’t- ibang ilegal na sugal.
Sinabi ni Lim, na mahigpit na ipinagbabawal ang VK sa lungsod dahil maraming kabataan ang nasisira ang buhay dahil dito at nalululong sa sugal.
Lalo na ngayong magpapasukan, sinabi ni Lim na dapat na maiiwas ang mga kabataan dahil sinasayang lamang ng mga ito ang pera ng kanilang mga magulang.
Bukod dito kadalasan ding nagiging ugat ng away ang sugal bunga ng kantiyawan at pikunan.
Dahil dito, umapela si Lim sa mga barangay chairman na tumulong na maituro ang mga lugar na may VK upang agad na makumpiska.
Sinuman aniya ang nagbibigay ng proteksiyon sa mga VK operators ay kanilang sasampahan ng kaso.