MCJ inmate patay sa atake sa puso

MANILA, Philippines -  Posibleng inatake umano sa puso kaya biglang nabuwal at tuluyang binawian ng buhay ang isang lala­king bilanggo sa loob ng Manila City Jail, sa Sta Cruz, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) idineklarang patay si Mike Sandig Sinsay, 56, miyembro ng Sputnik gang.

Sa ulat ni PO2 Jose Gumilan, dakong alas-4:30 ng hapon nang biglang bumuwal si Sinsay at tumama ang noo sa semento, habang nakaupo sa sementadong upuan at kausap umano ang isang preso na si Ranilo Villanueva­.

Ipinagbigay-alam ito kay JO3 Elmer Catangi kaya isinugod sa JRMMC subalit dakong alas-5:18 ng hapon nang makatanggap ng tawag ang Manila Police District-Homicide Section ng tawag mula sa security guard ng ospital na nagkumpirmang binawian ng buhay ang nasabing preso.

Nakalagak na ang bangkay sa Universal Funeral Homes.

Show comments