MANILA, Philippines - Dalawang pasahero kabilang ang isang lola ang nasugatan makaraang tumalon sa sinasakyang pampasaherong bus na sumampa sa riles at muntik nang mabangga ng isang paparating na tren ng Philippine National Railways (PNR), kahapon sa Taguig City.
Nagtamo ng mga pinsala sa ulo ang mga pasaherong sina Teresita Bongavilla, 65, at Shahani Tugale, 27.
Hawak naman ngayon ng Taguig City Police-Traffic Unit ang driver ng CEM Transport bus unit (TYK-488) na si Erwin Abarra, 30, na nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to serious physical injuries.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng umaga nang mag-iba ng daan si Abarra upang makaiwas sa masikip na trapiko sa East Service Road habang patungo ng EDSA mula FTI. Dumaan ito sa ilalim ng Nichols flyover ngunit naipit rin sa trapiko.
Nakasampa sa riles ang naturang bus nang tiyempong dumating ang tren ng PNR na patungong Tutuban station. Dahil sa takot, nagkanya-kanyang talunan sa bintana palabas ng bus ang mga sakay na pasahero ng bus upang makaiwas sa posibleng banggaan sanhi ng pagkakasugat ng mga pasahero kung saan dalawa ang nabagok ang ulo.
Nagawa namang mabigyan kaagad ng babala ng flagman na si Arnel Abayo ang operator ng train kaya’t naihinto ito kaagad bago pa man ito sumalpok sa nakahambalang na bus.