MANILA, Philippines - Isang malawakang imbestigasyon ang isinasagawa ng Las Pinas City Police upang makumpirma ang posibleng pagpapatiwakal ng isang 53-anyos na lalaki makaraang matagpuan ang bangkay nito na may tama ng bala sa ulo sa loob ng kanyang silid, kahapon ng madaling araw. Nakilala ang nasawi na si Leonardo Parilla, naninirahan sa Block 19 Lot 5 Aster St., TS Cruz Subdivision, ng naturang lungsod. Nagtamo ito ng isang tama ng bala ng kalibre .38 baril sa sentido sanhi ng kanyang kamatayan. Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4 ng madaling araw nang makarinig ng putok ng baril ang hipag ng biktima na si Leonora Parilla na nakatira rin sa naturang bahay. Nang kanyang puntahan ang kuwarto na pinanggalingan ng putok ay dito niya nadiskubre ang katawan ni Parilla na nakahandusay habang nasa kanang kamay pa nito ang kalibre .38 baril. Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na unang inatake na ang biktima ng “mild stroke” kamakailan kung saan naratay pa ito ng isang linggo sa pagamutan. Nang makalabas, panay naman ang reklamo ng biktima ng matinding pananakit sa kanyang ulo.