MANILA, Philippines - Patay ang isang dating sundalo matapos itong makipagbarilan sa isang bagitong pulis nang magtalo ang mga ito hinggil sa batas trapiko kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Francis Nepomuceno, 38, ng Brgy. Tonsuya ng nabanggit na lungsod, sanhi ng tama ng bala sa katawan buhat sa .9mm na baril.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na si PO1 Benedict Antaran, 25, nakatalaga sa District Public Safety Battalion (DPSB) ng NPD.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:55 ng gabi sa kahabaan ng Leoño St., Brgy. Tañong, Malabon City habang sakay ang biktima ng kanyang XRM motorcycle (3535PI).
Pinasok umano nito ang Leoño St. na one-way dahilan upang mabangga naman nito ang motorsiklo ng pulis. Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na nauwi sa hamunan ng barilan. Kapwa armado ng baril ang dalawa na nag-duelo at makalipas ang ilang sandali ay tumimbuwang ang dating sundalo.
Agad na tumakas ang suspek kung saan ay naiwan nito ang kanyang motorsiklo.