MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng kapatid ni Pilar Pilapil na si Leo na nakalabas na ng pagamutan ang actress at nagpapagaling na ngayon sa kanilang tahanan.
Ayon kay Leo, noong Biyernes Santo ay lumabas na ng The Medical City sa Pasig ang actress at nasa maayos nang lagay, bagamat sumasailaim pa rin ito sa therapy dahil sa mga saksak ng ice pick na tinamo sa katawan.
Sinabi ni Leo na tumatanggi pa ring humarap sa media si Pilapil at ang pagpapahinga at pagpapagaling ng husto ang prayoridad nito ngayon.
Hindi pa umano pinag-uusapan ng kanilang pamilya ang kanilang susunod na hakbang hinggil sa kaso na hawak na ngayon ng Task Force Pilar.
Matatandaang kamakailan ay isinugod sa pagamutan si Pilapil matapos na itapon ng mga hinihinalang carjackers sa isang madilim na lugar sa Antipolo City.
Sinasabing sakay ng isang bagong Kia ang aktres, kasama ang pamangkin ng kaniyang asawa na si Roselle Penas nang bigla na lamang sumakay sa backseat ng sasakyan ang dalawang di kilalang suspect habang bumibiyahe ang magtiyahin sa tapat ng Marikina Riverbanks.
Hinila umano ng mga suspect sa likurang bahagi ng sasakyan si Pilapil at saka ito pinagsasaksak, sa kabila ng pakiusap nito, at tinigilan lamang nang magkunwaring patay na.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ng mga awtoridad ang pamangkin ni Pilapil at ang sasakyan, na tinangay ng mga suspect sa kanilang pagtakas.