MANILA, Philippines - Hindi inakala ng magbabarkada na isa sa kanila ang masasawi nang paglaruan ang isang paltik na baril at pumutok sa ulo ng kanilang kasamahan, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Hindi na umabot ng buhay sa Manila Sanitarium Hospital ang biktimang nakilalang si Dave Dollete, 17, ng no. 1750-F Kuyengkeng St., Pasay City.
Agad namang sumuko ang kasamahan nito na siyang may hawak ng baril na nakilalang si Aron Cimafranca, 21, ng no. 1856 Tangkian St., ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Pasay police, naganap ang insidente dakong ala-1:10 ng mada ling araw sa kahabaan ng Tangkian St.
Naglalakad ang biktima, suspect at dalawang kabarkada na sina Kevin Casas, 20 at Mico Arenas, 17 nang ilabas umano ni Cimafranca ang kalibre .22 na paltik at ipinagmalaki sa mga kasamahan.
Pinaglaruan pa umano ng suspect ang baril nang bigla itong pumutok at minalas na tinamaan si Dollete sa ulo.
Pinagtulungan namang isinugod ng mga kabarkada ang biktima sa pagamutan.
Nahaharap sa kasong homicide at illegal possession of firearms and ammunitions si Cimafranca.