MANILA, Philippines - Isang Guineene national at isang Thai national na kapwa miyembro umano ng West African Drugs Syndicate (WADS) ang dinakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tangkang pagpupuslit ng cocaine patungong Thailand.
Iprinisinta ni NBI Director Magtanggol Gatdula at ni Vice President Jejomar Binay ang mga suspect na sina Kamano Pascal, 40, tubong Republic of Guinea at Thai na si Kanchanaphon Chenchunwithan,31, na isang courier o drug mule.
Sa isinagawang press conference, nabatid na noong Abril 7, 2011, may impormasyong natanggap ang NBI Reaction Arrest and Interdiction Division, sa pamumuno ni Atty. Ross Jonathan Galicia, na may nakatakdang operasyon ang ilang miyembro ng WADS na paparating pa lang sa bansa kaya minonitor nila ang galaw ng mga suspect na nag-check-in sa magkahiwalay na silid sa Stargate Pensionne.
Naobserbahan ng mga awtoridad ang madalas na pagtungo ni Pascal sa silid ni Chenchunwithan kung kaya’t binantayan na ang galaw ng mga ito hanggang sa abangan nila si Pascal sa hotel na lumabas dakong alas-2:30 ng hapon at pabalik makaraan ang dalawang oras na may dalang package.
Nilapitan at nagpakilala ang mga tauhan ng NBI sa suspect na naglalakad sa tapat ng isang convenience store kaya nataranta umano ito hanggang sa ipinaamoy sa sniffing dog ang package na positibong iligal na droga.
Agad na binitbit si Pascal patungo sa inokupahang unit nito at doon nila dinatnan si Chenchunwithan na naghihintay. Narekober ang isang kilo ng cocaine na may halagang P5-milyon, packaging tape, plastic bag at iba pang paraphernalias na pinaniniwalaang gamit upang i-capsulized ang nasabing cocaine.
Dahil sa resulta ng NBI Forensic Chemistry Division na kumpirmadong cocaine, agad na ring isinailalim kahapon sa inquest proceedings ang dalawang suspect sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) Section 5.
Nangako si Binay na tuluy-tuloy nang mabubuwag ang operasyon ng WADS sa bansa dahil marami na silang tukoy na impormasyon hinggil sa galaw ng grupo.