MANILA, Philippines - Isang buwan ang iginawad na suspension ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) laban sa operasyon ng Partas Transport Corporation kaugnay sa pagkamatay ng batang aktor na si AJ Perez, 18, sa isang vehicular accident sa Tarlac.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Manuel Iway, board member ng LTFRB, ang bus na may plakang UVA 880 ng Partas na naka aksidente sa aktor ay may kakabit na 48 units sa prangkisa kung kaya’t ang lahat nang ito ay hindi maaaring bumiyahe mula Lunes Abril 18 hanggang Mayo 18 ng taong ito.
Binigyang diin ni Iway na pagpapaliwanagin ng ahensiya ang may ari ng Partas kung bakit hindi maaaring masuspinde ang operasyon ng kanilang bus dahil sa naganap na aksidente.
Obligasyon anya ng alinmang bus company na magpaliwanag oras na may kinasangkutang aberya ang kanilang units.
Magugunitang sumalpok ang Partas bus sa sasakyan ng batang aktor sa may Moncada, Tarlac kamakalawa ng hatinggabi.
Nabatid na pabalik na ng Maynila ang aktor buhat sa isang show sa Dagupan City, Pangasinan nang mag-overtake ang sinasakyan nitong Nissan Urvan na minamaneho ng driver nitong si Christopher Bautista sa isang ten-wheeler truck at sa pag-overtake ay nakasalubong at nakasalpukan nito ang naturang bus ng Partas na minamaneho naman ni Julie Brillantes, 44.