12 ataul naabo sa sunog

Manila, Philippines - Umabot sa 12 ataul ang naabo matapos mag-spark ang trouble light na gamit ng isang mekaniko na naging dahilan ng sunog sa isang punenarya sa Malabon City kahapon ng umaga.

Sa report ng Malabon City Fire Department, dakong alas-9:14 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa garahe ng Floresco Funeral Homes na matatagpuan sa Dagat-Dagatan Avenue, Brgy. Longos ng nabanggit na lungsod, na pag-aari ni Conrado Flores.

Sa pahayag ni Vicente Arinto, isang mekaniko, ginagawa niya ang isang sasakyan sa nasabing lugar nang mag-spark ang gamit na trouble light.

Bigla na lamang nagliyab ang gasolina na ginagamit sa paghugas ng mga piyesa na naging dahilan upang ma­damay na ang ibang sasakyan.

Nadamay din ang isang parte ng chapel kung saan mabilis na nagdatingan ang mga bumbero at naapula ang apoy dakong alas-9:45 ng umaga.

Wala namang naiulat na namatay o nasaktan sa nasabing sunog kung saan inaalam na kung magkanong halaga ang natupok.

Show comments