Iwas-sunog ngayong Semana Santa

MANILA, Philippines - Dahil sa inaasahang paglisan ng maraming residente sa kani-kani­lang mga tahanan nga­yong Holy week, pinaalalahanan ng Bureau of Fire protection (BFP) ang publiko na siguraduhing ligtas ang kanilang bahay sa sunog bago tuluyang iwan ito para magbakasyon.

Ayon sa BFP, nakahanda ang buong kagawaran, mula Regional, Provincial, City at Municipal Fire Stations para imonitor ang bawat lugar para agad na maaksyunan ang posibilidad na magkaroon ng sunog.

Katuwang din ng BFP ang ibang ahensya para panatilihin ang peace and order, gayundin ang seguridad sa mga mataong lugar. May mga personnel ding itatalaga sa terminals, piers, at highways para tumulong sa sandaling magkaroon ng emergency situation.

Ayon pa sa kagawaran, 24 oras na magbabantay ang kanilang tropa para masigurong mapigilan ang anumang insidenteng magaganap sa pagdiriwang ng Semana Santa.

Paalala ng BFP sa publiko na para maiwasan ang sunog, tanggalin muna ang mga saksakan ng mga appliances; pa­tayin ang main source ng power; huwag iwan ang nakasinding kandila, lampara, at sigarilyo; isara ang LPG valve; at siguraduhing nakatabi ang mga gamit na madaling masunog.

Show comments