Holdaper ng mga Bumbay, itinumba

MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki na sinasabing kilabot na holdaper na nambibiktima ng mga nagpapa-five-six na mga Indian national ma­karaang barilin ito ng isang hindi nakilalang salarin, kahapon sa Pasay City.

Nakilala sa pamamagitan ng nakuhang driver’s license ang nasawi na si Lanie Andrada, 37, ng Apolinario Samson, Brgy. Bukid Kaingin, Quezon City na nagtamo ng isang tama ng bala buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa likuran.

Sa inisyal na ulat ng Pasay police, dakong alas-12:30 kahapon ng tanghali nang maganap ang pamamaril sa may Cabrera Street ng naturang lungsod. Nabatid sa mga saksi na nakaangkas sa isang motorsiklo si Andrada nang biglang may umalingawngaw na putok ng baril at biglang nahulog ito.

Hindi naman sinaklolohan ng driver ng motorsiklo ang kanyang nahulog na kasamahan bagkus ay mabilis na pinaharurot ang sasak­yan paalis sa naturang lugar.

Nang usyusohin ng mga tao, ilan sa mga ito ang nakakilala sa nasawi na isa umanong kilabot na holdaper at nambiktima sa kanila. Kilala rin umano si Andrada na holdaper na riding in tandem na partikular na target ang mga Indian national na nagpapautang.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente kung saan blangko ang mga ito sa pagkakakilanlan sa salarin na bumaril kay Andrada.

Show comments