MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang 17-anyos na binatilyo makaraang barilin ng isang 15-anyos na totoy habang ang biktima ay nakikipag-chat sa isang computer shop kamakalawa sa Valenzuela City.
Nasa kritikal na kondisyon at inoobserbahan sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tama ng bala sa dibdib si JunJun Petalio, ng Policarpio St., Brgy. General T. de Leon ng nabanggit na lungsod.
Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na itinago sa pangalang Toto, ng De Gula Compound ng nabanggit na lungsod.
Sa report ng pulisya, alas-3:00 ng hapon, nakikipag-chat ang biktima sa isang computer shop sa nabanggit na lugar nang pasukin at barilin ito ni Toto.
Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek habang dinala naman sa nabaggit na pagamutan ang biktima.
Nabatid na bago ang insidente ay hinagisan ng biktima ng pillbox ang grupo ng suspek na naging dahilan upang hantingin ni Toto si Petalio.