MANILA, Philippines - Nalambat na ng mga operatiba ang katulong na tinaguriang “poison ivy” na nambibiktima ng kanyang mga amo sa pamamagitan ng paglalagay ng lason sa pagkain at saka nanakawan, matapos na maispatan ng mga operatiba ng Quezon City Police sa Brgy. Baesa sa lungsod.
Kinilala ng pulisya ang nadakip na si Arlyn Vargas, 26 at residente sa Libis St., Brgy. Baesa sa lungsod.
Si Vargas ay gumagamit ng alyas na Anamie Livrando sa kanyang operasyon nang mapiit ito sa Manila City jail matapos maaresto noong taong 2008 dahil sa kaparehong modus operandi, subalit nakatakas ito nitong nakaraang taon matapos na akyatin ang bakod ng kulungan.
Ang huling biktima ng suspect ay si Maria Lucila Balais, 47, ng GSIS Village, Sangandaan sa lungsod, bago pa mabalita sa lahat ng pahayagan at telebisyon ang kanyang operasyon.
Ganap na alas-9:15 ng gabi nitong Abril 5 nang maispatan si Livrando ng mga barangay tanod at pulisya habang pagala-gala sa may isang subdivision sa Brgy. Baesa.
Samantala, nang malaman ng iba pang mga complainant ang pagkakadakip sa suspect ay nagdagsaan dito ang maraming mga complainant nito. Giit nila, dapat na papanagutin ang suspect dahil marami pa itong pipinsalaing tao.
Hindi naman natitinag ang suspect at nagbanta pa ito na paulit-ulit na gagawin ang insidente dahil gusto umano niyang maghiganti sa mga taong umapi sa kanya.Sinabi nito na hindi niya makakalimutan ang ginawang pang-aabuso sa kanya ng dating mga amo.
“Dati muntik na akong ginahasa at sinaktan, kaya kahit anong gawin nila, paulit-ulit kong gagawin ang ganito kahit ano pa ang sabihin nila,” sabi pa ng suspect.