MANILA, Philippines - Nagwakas ang pamemerwisyo sa mga patay ng tinaguriang ‘Nitso gang’ na nagnanakaw ng mga kabaong ng mga yumao sa sementeryo para ibenta bilang kalakal sa isang junkshop matapos na maaresto ang isa sa mga ito sa lungsod Quezon. Ang suspect ay kinilalang si Phil Garcia, 33, ng Brgy. Bagbag sa lungsod.
Si Garcia ay nahaharap ngayon sa kaso matapos na matuklasan ng mga awtoridad na sangkot sa umano’y pagwasak sa mga nitso at pagnanakaw sa mga ataul sa ilang sementeryo.
Ang mga kaanak ng isang Cristeta Castro, na ang mga labi ay nakahimlay sa sementeryo 10 taon na ang nakararaan, ay nagtungo sa himpilan ng pulisya para pormal na sampahan ng reklamo si Garcia.
Ayon sa pulisya, ginagawa ng suspect ang pagnanakaw sa pamamagitan ng pagbutas sa nitso at matapos mawasak ay saka hihilahin ang kabaong at tatanggalin ang patay na nasa loob. Iiwan itong nakakalat sa lugar bago bibitbitin ang kabaong.
Naaresto ang suspect nang mapuna ng security guard na si Alex Robin ang sirang nitso habang nagpapatrulya ganap na alas-8 ng gabi, kung saan naaktuhan pa ang una habang bitbit ang ilang kalakal na pinipiraso nito. Sa follow-up operation, nagawang marekober ng pulisya ang isa sa ninakaw na kabaong ng suspect sa isang junkshop sa labas ng naturang sementeryo.