MANILA, Philippines - Palaisipan ngayon kung sino ang nag-iwan at kung bakit sa loob mismo ng Manila Police District (MPD) Headquarters inabandona ang isang Honda Civic kamakalawa pa ng umaga sa United Nation Avenue, Ermita, Maynila.
Ang sasakyang Honda (VDW 974) na kulay gray ay napag-alamang pag-aari ng isang nagngangalang Grace Castro ng Naga City batay na rin sa record ng LTO ay iniwan kamakalawa pa sa loob ng MPD headquarters. Marumi ito, may mga gasgas sa kaliwang bahagi, flat ang isang gulong sa kanang harap at nakabalagbag pa ang pagkaparada sa harapan ng nasabing opisina ng mga pulis.
Nabatid na walang nakapansin kung sino nag-iwan sa nasabing kotse sa naturang opisina.
Dahil dito, tinungo ng bomb squad upang mabuksan ang nasabing kotse at malaman kung ano ang nasa loob nito para mapanatag na rin ang ilang mga miyembro ng media.
Sa ngayon ay pilit pa ring inaalam ang iba pang impormasyon upang matunton ang may-ari nito dahil hirap pa rin ang MPD na mabuksan ang pintuan ng kotse. Palaisipan din kung bakit hindi pa rin lumulutang ang may-ari ng nasabing kotse.