MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng pulisya ang anim na armadong lalaki na hinihinalang remnants ng Kuratong Baleleng group makaraang makorner sa isang police checkpoint sa lungsod ng Las Piñas, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang mga naaresto na sina Daniel Carandang, 42, sinasabing namumuno sa grupo; Johnson Labastida, 31; Armando Guno, 35; Benigno Abiera, 54; at Joel Aquino, 36, at Roy Reyes.
Nagsasagawa ng checkpoint ang pinagsanib na puwersa ng Special Weapons and Tactics unit (SWAT), Mobile Patrol Unit, at mga tauhan ng Police Community Precinct 7 dakong alas-11 ng gabi nang parahin ang isang pulang Toyota Innova na walang plaka sa may Real St., Zapote-Alabang Road, Brgy. Talon 2, ng naturang lungsod.
Tinangka pa umanong tumakas ng mga salarin ngunit agad silang napaligiran ng mga pulis. Nang inspeksyunin ang loob ng sasakyan, nadiskubre ang apat na kalibre .45 baril na walang mga lisensya, siyam na magazine na puno ng bala at dalawang granada.
Sinabi ni Las Piñas police chief, Sr. Supt. Romulo Sapitula na natuklasan nila na kaibigang matalik ni Carandang na pinuno ng grupo ang isa sa mga kilalang miyembro ng Kuratong Baleleng na nauna nang naaresto ng pulisya.
Tikom naman ang bibig ng mga nasakoteng suspek ukol sa dalang mga armas at granada. Patuloy namang isinasailalim ang mga ito sa masusing imbestigasyon.