Tinedyer inutas sa computer shop

MANILA, Philippines - Napatay ang isang ba­gets habang dalawa nitong kasamahan ang nasuga­tan makaraang pagbabarilin ng ‘di pa kilalang gunman sa loob ng computer shop sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Supt. Ronnie  Montejo, hepe ng  Batasan Police Station 6, ang napatay na si Daniel Mark Gelarpez, 19, ng # 3140 Pinagkaisa Street, Barangay Commonwealth, Quezon City.

Si Gelarpez ay idineklarang patay sa Malvar Hospital dahil matapos tamaan ng bala sa ulo.

Habang sugatan naman sina Jay-ar Diocton, 21, ng Purok 17, Riverside St., Brgy. Commonwealth at Marvin Madela, 12, ng #88 Bicol Area Republic St., Brgy. Holy Spirit sa Quezon City.

Ayon kay PO3 Alden Lasam, naganap ang pa­mamaril sa computer shop sa #21 Commonwealth Ave., Brgy. Holy Spirit bandang ala-una ng madaling-araw. 

Sinasabing abala sa vi­deo­ games ang mga bik­tima nang pumasok at mamaril ang gunman kung saan tinamaan naman ng ligaw na bala sa tuhod si Madela at sa tiyan si Diocton­.

Sinisilip naman ng pulisya ang anggulong frat war o may nakaalitan ang biktima at nadamay lamang sina Madela at Diocton.

Show comments