MANILA, Philippines - Isang dating university professor sa lalawigan ng Pampanga ang hawak na ngayon ng NBI matapos magtago sa Saudi Arabia upang takasan ang kasong rape na isinampa ng isang 16-anyos na estudyante noong nakalipas na taon.
Ayon kay NBI Director Magtanggol Gatdula, ineskortan ng kanyang mga tauhan pabalik sa Pilipinas ang akusadong si Arnel Atienza Ocampo, 51, dating professor ng Holy Angels University sa Angeles City, Pampanga.
Gamit sa pag-aresto kay Arnel ang warrant of arrest na inisyu ni Angeles City RTC Branch 59 Judge Angelica Paras-Quiambao, na walang inirekomendang piyansa.
Batay sa ulat, nagawa ng akusado ang panggagahasa nang sapilitang ligawan at pagbantaan ang dalagitang estudyante na maglalabas ito ng sex video at sasabihing may sex relationship sila kung hindi papayag sa gusto niya.
Dahil na rin sa pangha-harass at paulit-ulit na puwersahang pakikipagtalik, nagkaroon ng galit at lakas ng loob ang biktima na magsumbong sa mga magulang. Naghain ng reklamo ang mga magulang ng biktima at bago pa man maglabas ng warrant of arrest ang korte, nakalabas na ng bansa ang akusado at sinasabing nagtrabaho sa Jeddah, Saudi Arabia.
Humingi ng tulong sa NBI ang pamilya na humiling naman na maisama sa Interpol Red Notice ang pangalan ng suspect.
Nang iparating sa Interpol Riyadh, naitala ang pangalan ng akusado sa red notice o wanted person noong Enero 26, 2010.
Agad ding nakansela ang pasaporte ng suspect at nakipag-ugnayan ang NBI sa Office of the Middle East and African Affairs at Department of Foreign Affairs (DFA) kaya mabilis ang naging pagdakip sa kaniya at deportasyon pabalik sa bansa.