MANILA, Philippines - Patung-patong na kaso at labas pasok sa bilangguan ang dalawang miyembro ng “Tear-Drops” at “Sputnik” gang na nabaril at napatay ng isang pulis sa loob ng presinto matapos na mang-agaw ng baril kamakalawa ng madaling-araw sa Sta. Ana, Maynila.
Sa panayam kay Manila Police District-Sta. Ana Police Station chief, Supt. Ricardo Layug, bukod sa kasong attempted murder na isinampa ng biktimang si Exequiel Brown, sina Ruzzel Tacsagon at Jeffrey Camposano ang itinuturong pumatay sa isang Edward Pedrosa, noong Pebrero 4, 2011 sa kahabaan ng Eloriaga St., Sta. Ana, Maynila.
Ang dalawa ay sangkot din sa serye ng holdapan at drug pushing.
Sinabi ni Layug na ipinagmamalaki pa umano ng dalawa na ang bilang ng tattoo sa kanilang mukha ay bilang ng tao na kanila nang napapatay.
Kasabay nito, suportado rin ni Layug ang ginawa ni PO3 Erwin Cortez Salanio na barilin sina Tacsagon at Camposano sa posibilidad na madamay pa ang ibang sibilyan na iniimbestigahan sa presinto.
Matatandaan na dinakip ang dalawa dahil sa reklamo ni Brown subalit nahulihan din ang mga ito ng marijuana hanggang sa dalhin sa presinto.
Dito na inagawan ng dalawa ng baril si PO1 Jose Jesus Buena Martirez, kung kaya’t napilitan namang sumaklolo si Salanio at nabaril ang dalawang suspect.