MANILA, Philippines - Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang labi ng pinaslang na lady broadcaster kung saan hangad ng mga naiwang kaanak nito na makamit ang katarungan sa mabilis na panahon.
Inihimlay ang mga labi ng 44-anyos na si Marlina “Len” Sumera, dating broadcaster ng DzME 1.30khz radio, sa Holy Cross Cemetery sa Novaliches, Quezon City matapos naman ang isang misa sa St. Peter’s Chapel sa naturang lungsod.
Dinaluhan ang libing ng mga kasamahang mamamahayag ni Sumera sa DzME at mga kapamilya. Hiling ng mga kaanak nito sa pulisya na mapabilis ang imbestigasyon at pagdakip sa mga hitman at utak ng naturang pagpatay.
Samantala, tinukoy ng Northern Police District (NPD) ang kalabang asosasyon na Kapitbahayang Samahan sa Maysilo (KASAMA) na ang grupong nakabangga ni Sumera at ng pinamumunuan nitong Silonian Neighborhood Association (SNA).
Ayon kay Supt. Rio Gatacillo, hepe ng NPD Public Information Office, na may proyektong road widening umano ang asosasyon ni Sumera.
Ngunit kinontra umano ito ng grupong KASAMA dahil sa matatamaan ang kanilang mga bahay sa naturang road widening.
Nagsampa pa umano ng mosyon para sa “temporary restraining order (TRO)” ang KASAMA sa Malabon City Regional Trial Court upang ipasuspinde ang road widening na kasalukuyang nakabinbin pa.
Tinitingnan ng pulisya ang naturang gusot sa pagitan ng dalawang organisasyon dahil sa nakakuha umano ng maraming kaaway sa mga kalugar si Sumera dahil sa ipatutupad na proyekto.