MANILA, Philippines - Isang umano’y miyembro ng notoryus na Akyat-Bahay Gang ang pinaniniwalaang sinalvage matapos na matagpuan ang bangkay nito na tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa Pasig City kahapon ng madaling-araw.
Isang karatula rin, na may nakasulat na, “Huwag tularan, akyat-bahay, magnanakaw,” ang natagpuang nakasabit sa katawan ng di kilalang biktima na inilarawang nasa 20-anyos, may taas na 5’ at nakasuot ng kulay gray na t-shirt, shorts at tsinelas, may silver na hikaw sa kanang tainga at may tattoo sa kaliwang braso na pangalang ‘Arnold.’
Sa imbestigasyon ni PO3 Lardy Ignacio, ng Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB) dakong alas-4:40 ng madaling-araw nang matagpuan ng security guard na si Heing Jie Castillo, 21, ang biktima sa mismong gate ng Metro Stone Rich Corp., sa #10 Evangelista St., Santolan, Pasig.
Bukod sa tadtad ng saksak sa katawan, nakabalot din ng packaging tape ang buong ulo at mukha nito at saka itinali ang mga kamay at paa sa kaniyang likuran.
Naglalakad umano ang guwardiya sa lugar nang mapansin ang bangkay kaya’t ini-report agad ito sa pulisya.
Inaalam ng pulisya kung sino ang may kagagawan sa krimen.