Vendor hinoldap ng riding trio

MANILA, Philippines - Natangay ng tatlong lala­king magkakaangkas sa isang motorsiklo ang puhunan na ipamimili sana ng isang babaeng negosyante sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.

Sa reklamo ng biktimang si Mary Ann Villarico, 38, vendor, ng Camachili St., Singa­long, Maynila, tatlong lalaking sakay ng walang plakang motorsiklo ang huminto sa kanyang tapat habang nag­la­lakad siya sa panulukan ng Camachile at Singalong Sts., sa Malate, Maynila, dakong alas-10:30 ng gabi, kama­ka­lawa.

Tinutukan siya ng baril ng isa, habang patalim naman ang isa at mabilis na hinablot ang bag niya na naglalaman ng P190,000 cash at City State cheque na nagkakahalaga ng P20,000.

Dahil dito, hindi na umano natuloy sa pamimili ng pa­ninda ang ginang at nagharap ng sumbong sa pulisya.

Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya upang madakip ang nasabing mga suspect.

Show comments