MANILA, Philippines - Isang malakas na suntok ang bumasag sa ilong ng isang bagitong pulis buhat sa isang nagwalang babae na nasa impluwensya ng alak makaraang sitahin ang huli sa isang checkpoint habang nagmamaneho ng motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Patung-patong na kasong paglabag sa driving a motor vehicle without crash helmet, driving under the influence of liquor, direct assault upon agent of person in authority at grave oral defamation ang isinampa laban sa suspek na si Jennifer Mesina, 32, dalaga, ng Mejandro St., M. Reyes, Bangkal, Makati City.
Nilapatan naman ng paunang lunas sa Pasay City General Hospital ang sinuntok nitong pulis na si PO1 Laurence Nicolas, nakatalaga sa Pasay City Police Mobile Unit.
Sa ulat ng pulisya, pinara ni Nicolas at mga kasamahan nito ang kulay gray na motorsiklo (5384-NO) na minamaneho ni Mesina sa isang checkpoint sa kanto ng Arnaiz Avenue at Tramo St. sa naturang lungsod dakong alas-11:30 ng gabi.
Sinita ng mga pulis ang hindi pagsusuot ng crash helmet ni Mesina na naamuyan agad ng alak sa hininga. Kinuha ni Nicolas ang lisensya nito upang tikitan kung saan inumpisahan na siyang pagmumurahin at pagbantaan na ipatatanggal pa sa pagkapulis ng suspek.
Hindi naman ito pinansin ng pulis ngunit isang malakas na suntok ang biglang dumapo sa kanyang mukha sanhi upang agad na dumugo ang kanyang ilong kung kaya agad na inaresto si Mesina.