MANILA, Philippines - Isang 3-day old na sanggol ang tinangay ng isang hindi nakilalang babae, na nagkunwaring nais lamang makatulong sa ina nito na nanganak sa Ospital ng Sampaloc, kamakalawa ng hapon.
“Wala po akong asawa at nagmagandang loob po siya sa akin,kaya nagtiwala ako”.
Ito ang naging pahayag ng biktimang si Marjorie Angal, 37, ng Kalaw St. Ermita, Maynila sa tanggapan ni C/Insp. Anita Araullo, hepe ng MPD-Women and Children Concern Division (WCCD) kahapon.
Aniya, noong Marso 22 siya nanganak sa nasabing ospital nang magmagandang-loob umano ang suspect na nagpakilalang kaanak ng isa rin sa naka-confine sa nasabing pagamutan.
Sa reklamo, dakong alas- 5 ng hapon nang maglaho ang babae na nagpakilala sa kaniya sa pangalang ‘Melon’, dala ang kaniyang anak nang lumabas siya ng ospital.
Papalabas na umano siya sa ospital nang makita ang babae na hiningan pa niya ng tubig dahil sa sobrang uhaw at inalalayan umano siya nito habang papalabas ng ospital.
Nang ipinakarga umano niya ang sanggol habang umiinom ay pinilit siya na magpunta muna sa comfort room upang hindi mahilo sa daan. Matapos umihi ay nawala na ang babae at dala ang kanyang sanggol.
“Kahit na mukhang mabait siya pinagbilin ko pa rin sa nakatayong lalaki na nakita ko na tingnan si Melon at kung aalis dala ang bata ay tawagin ako pero hindi naman ako pinakinggan ng lalaki,” anang biktima.
Paglabas niya ay tinanong pa niya iyong lalaki kung nasaan si Melon at at sinagot pa umano siya ng “umalis na”.
Kaagad umanong hinabol ng biktima ang suspect pero hindi na niya nakita kaya kaagad siyang humingi ng tulong sa mga miyembro ng Manila Traffic and parking Bureau na sina Concepcion Bagtas, Rey Alcantara at Rogelio de la Rosa na siyang nagsama sa kanya sa MPD headquarters.