MANILA, Philippines - Nahulog mula sa may taas na 14 na talampakan ng pedestrian overpass ang isang lalaki at pagbagsak sa kalye ay minalas pang masagasaan ng isang taxi na agad nitong ikinamatay sa lungsod Quezon.
Ayon kay SPO4 Apolonio Lumanlan ng Traffic Sector 4 ng Quezon City Police, ang biktima na walang nakuhang anumang pagkakakilanlan ay nasa gulang na 45-anyos, nakasuot ng puting t-shirt at kulay brown na shortpants ay nahulog mula sa pedestrian overpass sa P. Tuazon Blvd. sa lungsod.
Ayon kay Lumanlan, base sa kuwento ng isang saksi, bago ang insidente ay nakita umano ang biktima na naglalakad sa overpass sa lugar na parang balisa ganap na alas-7:30 ng gabi.
Sumunod nito ay huminto ang biktima saka lumiyad, hanggang sa tuluyang mapahiga at mahulog mula sa ibaba ng EDSA south-bound lane sa ilalim ng nasabing overpass partikular sa harap ng Samson College Sciences sa Cubao.
Kasalukuyan namang paparating ang isang taxi na minamaneho ng isang Ruben Sanchez, 39, at hindi na nagawang makaiwas at nasagasaan ang biktima.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing biktima.